‘Notorious Blue Boys’ nasampolan ni Mayor Vico Sotto


Loading...

Si Pasig City Mayor Vico Sotto habang nakikipag-usap sa mga miyembro ng Traffic & Parking Management Office (TPMO) o kilala bilang “Blue Boys” 


ISASAILALIM sa continuing professional development program ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga traffic enforcers ng lungsod.

Kilala sa tawag na “Blue Boys” ang mga traffic enforcers sa ilalim ng Traffic & Parking Management Office (TPMO) dahil sa makintab na kulay asul na uniporme ng mga ito.

Basahin: Vico sa may-ari ng Zagu: Sumunod kayo sa batas, igalang ang karapatan ng manggagawa

Sa isang Facebook post ng alkalde, tinawag niyang “notorious” ang mga taffic enforcers dahil sa patuloy na pagkakasangkot sa katiwalian sa kabila nang patuloy na paalaala na natatanggap ng mga ito.

“Alam nating lahat kung gaano ka notorious ang mga Pasig TPMO o “Blue Boys.” Aminin natin na marami pa rin sa kanila ang tiwali o kulang sa kasanayan,” saad ni Vico.

Kinausap kaninang umaga ng alkalde ang mga enforcer pagkatapos ng flag-raising ceremony at muling binigyan ng babala.

“Ngayong Miyerkules, sisimulan na natin ang continuing professional development program para sa mga traffic enforcer ng TPMO… Mula sa tamang pakikipag-usap sa mga motorista hanggang sa kaalaman ukol sa traffic rules & regulations, [ay] kasama sa training na ito,” dagdag pa ng alkalde.

Basahin: Vico: “10 minuto lang, may info ka na kung magkano ang halaga ng ginagawang kalsada sa ‘tapat ng bahay’ mo”

Ngunit binigyang-diin din ni Vico na karamihan sa mga enforcer ay contractual lamang at napaka-baba ng suweldo.

Kaya sinabi niya na ang mga magiging maganda ang performance sa susunod na mga buwan ay maaaring maging permanente sa susunod na taon.

“Sa kabilang dako, sa mga mananatiling pasaway—lalung-lalo na sa mga nangongotong—#goodbye. Ngayon pa lang ay may 6 enforcers na tayong kakasuhan ng admin[istrative] complaint. May 2 din[g] naaresto [a]ng ating PNP,” ang sabi ni Sotto.

Ang tinutukoy ni Sotto ay ang pagkakadakip sa dalawang traffic enforcer na sina Emmanuel De Guzman at Christopher Punzalan noong nakaraang Linggo dahil sa pangongotong sa isang UV Express driver na si Rey Macawile.


Maki-balita sa Netizens Alert sa FacebookTwitterInstagram at YouTube!


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento