Loading...
HINDI pinalampas ni Mayor Vico Sotto ang nakita niyang paglabag sa batas ng pamunuan ng Zagu Foods Corporation laban sa mga manggagawa nito at kasapi sa unyon na mahigit isang buwan nang naka-strike sa Brgy. Kapitolyo, Pasig City.
Batay sa Facebook post ni Sotto, nakatanggap siya ng report na may naganap na karahasan sa picket line at pinuntahan agad ng alkalde.
“Kinausap ko ang mga tao ng management at binigyan ko sila ng pagkakataong ipaliwanag kung bakit sinusubukan nilang paalisin ang mga nagwewelga,” pahayag ni Sotto.
Hinarap siya ng admin-in-charge at sinabing pinatutupad lang daw nila ang inisyung Temporary Restraining Order (TRO) ng National Labor Relations Commission (NLRC).
Ngunit sinabi ni Sotto na malinaw na nakasaad sa naturang TRO na puwedeng ipagpatuloy ang strike basta’t hindi ito nakaharang sa pagpasok o paglabas sa paggawaan ng naturang kompanya.
Ayon kay Sotto, nasa gilid lang ang picket line ngunit pilit na binubuwag ang naturang pag-aalsa.
“Hindi nangyari ito kung wala kayong mga empleyado na mahigit 10 taon na, pero kontraktwal pa rin. Hindi nagkaroon ng strike kung nakipag negosyasyon kayo ng maayos,” dagdag pang sinabi ni Sotto sa pamunuan.
Ayon sa ulat, limang buwan nang nakabinbin sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ang usapin sa pagitan ng manggagawa at pamunuan ngunit wala pa ring offer o counter-offer ang huli.
0 Mga Komento
Let us know your thoughts!