Loading...
May pagmamalaking inihayag ngayong umaga ni Mayor Vico Sotto ang tungkol sa magandang idudulot ng pagpapatupad ng Freedom of Information (FOI), isang pangunahing city ordinance kung saan siya ang may-akda at naipasa noong nakaraang Setyembre 13, 2018.
“Kung gusto mong malaman na magkano ba ang pinapagawang kalye sa tapat ng bahay [m]o, magkano ba ang materyales ng kalye na ‘yan. Pupunta lang ho kayo sa Ugnayan sa Pasig Center, ire-request po ang impormasyon, at ibibigay po within 10 minutes,” ang sabi ni Sotto.
Layunin ng proyektong ito na maging bukás sa mga Pasigueño ang lahat ng ginagawa ng pamahalaang lungsod, mula sa mga proyekto, gastusin, serbisyo, transaksyon at pakikilahok ng ordinaryong mga tao sa pagbuo ng kapakipakinabang na mga programa.
“Ugnayan sa Pasig” ang pangalan ng proyektong ito ni Sotto at maaari ding makakakuha ng impormasyon tungkol sa mga empleyado, budget, market operations, status ng inyong aplikasyon sa permit, health centers at maraming iba pa.
Inihayag din ng alkalde na isa pa sa magagawa ng proyektong ito ay ang pagpapaangat ng maayos na pagpapatakbo ng pamamahala sa pamamagitan ng mekanismo sa reklamo ng mga mamamayan.
May complaint desk sa naturang Center para tumanggap, i-rekord at magawan ng agarang aksyon ang mga reklamo at hinaing ng mga residente at pinasisigla din ang pagbigay ng mga suhestiyon.
Kikilalanin din ng proyektong ito ang mga civil societies, NGOs at iba pang grupo para maging kaagapay sa pagbuo ng mga pamamaraan, polisiya at kung papaano maipatutupad ang mga ito.
Maliban sa pagpunta mismo sa Center, puwede ring tumawag sa Pasig City hotline 643-0000, mag-email sa ugnayan@pasig.gov.ph, Ugnayan sa Pasig sa Facebook at Twitter.
Ang “Ugnayan sa Pasig Center” ay matatagpuan sa ground floor mismo ng city hall malapit sa main entrance.
Via Pasig News
0 Mga Komento
Let us know your thoughts!