Matapos maaresto ng mga pulis, pinuntahan ni Manila Mayor Isko Moreno sa presinto ang suspek na si Alexander Ogdamina, na naaresto dakong 7:00 p.m. matapos umanong makakuha ng tip ang mga awtoridad sa kaniyang kinaroroonan.
Loading...
READ: Tindero ng pares sa Tondo, hinoldap at binaril
Nakuha rin kay Ogdamina ang isang baril na pinapaniwalaang ginamit niya sa pagbaril sa biktimang si Samson Bautista, na tinamaan sa leeg at nanganganib na maging paralisado mula bewang pababa.
Ayon sa duktor na tumitingin kay Bautista, nadaplisan ng bala ang bulugod ng biktima.
Nang tanungin ng mga mamamahayag si Ogdamina kung ano ang mensahe niya sa mga biktima ng holdap, sinabi nito na hindi sila nagbibiro sa kanilang ginagawa.
"Baka akala kasi nila mga tulad sa namin nagbibiro kami. Hindi kami nagbibiro," giit niya. "'Pag sinabi namin, ginagawa namin 'yon."
Patuloy pa niya, "Kaunting halaga lang naman 'yon kung gugustuhin eh, hindi na kailangan mawalan pa ng buhay."
Iginiit niya na hindi ibinigay ng biktima ang bag at makikita raw ito sa CCTV.
"Hindi niya ibinigay sa akin yon, makikita niyo naman sa CCTV kung binigay sa akin bago ko siya pinutukan," paliwanag niya.
Ayaw naman sagutin ng suspek kung ano ang ginawa niya sa nakuhang pera sa biktima.
Pero inamin niyang gumagamit siya ng droga.
Dumating din sa presinto ang asawa ng biktima na naiyak sa galit nang makita ang suspek.
Mensahe naman ni Ogdamina sa asawa ng biktima, "Pasensiya na kayo sa nangyaring 'yon, hindi ko naman gustong mangyari 'yon."
Ayon kay Moreno, tila sanay na ang suspek at "karne" na lang tingin sa ibang tao.
Mula raw nang malaman nila ang nangyari, sinabi ni Moreno na kaagad silang kumilos para mahuli ang suspek.
Pinasalamatan ng alkalde ang mga pulis at barangay officials sa pagtutulungan kaya mabilis na nadakip ang suspek.
0 Mga Komento
Let us know your thoughts!